Tuldok

Mahal na mahal kita.

Sa dami ng pag-iyak at sa haba ng panahon, sa iyo ko nagawang maging komportable. ‘Yung tipong kaya kong sabihin ang lahat nang hindi nag-alalang magbabago ang tingin mo sa akin. Noong una, ayokong maging totoo sa’yo kasi masyado kong kilala ang sarili ko. Mabilis akong mahulog, at mabilis akong nahulog sa’yo. Mabuti na lang at natakot ako, naiwas ko ‘yung paningin ko sa’yo.

Ang daming nangyari sa ating dalawa, kasama na ‘yung mga tao sa paligid nating pareho nating kilala. Nasubaybayan nila ‘yung mga away-bati, ‘yung tampuhan-asaran, pati ‘yung pagmamahalan-hiwalayan.

‘Yung mga away-bati. Natatawa ako kasi binest friend-zoned kita. Naramdaman kong masyado na tayong nagiging malapit sa isa’t isa kaya sinabi kong “Gusto kita maging best friend.” At pumayag ka. Ginawa ko ‘yun kasi takot ako. Ayokong mapalapit sa’yo lalo, kaya akala ko, maigi ‘yun. Pero alam natin pareho na hindi. Ang daming umalma dahil sa katotohanang may kasintahan ka. Dapat daw, siya ang best friend mo. Hindi ko naintindihan noong una, pero, tinanggap ko. Kaya siguro tayo puro away-bati na hindi ko alam bakit ganoon. Hinayaan ko.

‘Yung mga tampuhan-asaran. May mga tatlong buwan na hindi mo ako kinausap nang sinabihan kitang wala kang kwentang leader. Siguro napahiya ka noon kasi kaharap natin ‘yung iba nating kaibigan. Sinabi mo sa akin paglaon na hindi ka nagalit sa akin. Nagtampo ka lang. Na hindi mo inaasahang pagsasalitaan kita nang ganoon. Hinangaan kita sa abilidad mong hindi magalit. Kabaligtaran ko. Kaya siguro mula sa pagkakataon na ‘yan, natuto akong habaan ‘yung pisi ko, kasi nakita ko kung anong pwedeng magawa ng pagka-mainitin ang ulo. Ikaw lang din ‘yung nang-aasar sa akin na ‘di ako napipikon. Sa totoo lang, wala ako masyadong maalala na pagkakataon na inasar mo ako. Palagi mo lang pinapalakas ‘yung loob ko kapag andoon na ako sa puntong susuko na ako. Ewan ko ba. Noon, parang hindi tama kung hindi ko naririnig ang opinyon mo. Pwedeng hindi gugustuhin ng pandinig ko. Pero, sapat na sa aking alam mo.

‘Yung pagmamahalan-hiwalayan. Ayoko na sanang sumulat pa patungkol dito. Kaya lang, dapat ko nang tuldukan ‘yung piyesang ang tagal-tagal ko nang hindi matapos.

Hindi ko na alam ‘yung sasabihin ko. Hindi na rin naman siguro tama kung isasalaysay ko pa kung gaano naging masakit noong tinapos mo kung anong meron tayo. Ilang panahon din kitang sinisi. Ilang gabi kong iniyak na sana mapatawad na kita kasi ang sakit-sakit na. At ilang pagkakataong hiniling kong sana, hindi na lang kita minahal.

Minsan, iniisip ko kung paano nagagawa ng ibang tao ‘yung magpakasaya kahit alam nilang may nasasaktan sila. Napagtanto kong pinili nila ‘yun. At pwede rin akong pumili.

Pipiliin kong ‘wag ka na nang sisihin, dahil ginawa mo lang din ‘yung kung anong tingin mong tama, ‘yung tingin mong ikabubuti ng lahat. Pipiliin kong magpatawad, dahil ibig sabihin noon ay ang magmahal nang muli. At pipiliin kong humiling na maging masaya ka, kahit wala ako.
“Best friend kita, eh.”

‘Yan ‘yung lagi mong sinasabi sa akin noon. Hindi ka lang naman naging kasintahan sa akin. Kaya kung may mas masakit sa lahat ng ‘to, ‘yun eh yung pagkawala ng best friend ko.

Alam kong ayos ka na. Hindi ko akalaing kakayanin kong sabihin ‘to. Pero, masaya ako para sa’yo, para sa inyo. Alam kong hindi ka na nasasaktan, at alam kong naaalagaan ka na.

Mahal na mahal kita.
Pero, ngayong gabi, at sa mga susunod pa, hindi na. 🙂

Salamat. Salamat at natuldukan na.

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s